Share:

By Frances Pio

––

Inihayag ng isang grupo ng mga producer ng asukal nitong Biyernes na ang supply ng kalakal ay sapat, ngunit ang mga trader ay nagtutulak sa pag-angat ng hindi makatwirang mga retail price.

Sinabi ni United Sugar Producers Federation (UNIFED) President Manuel Lamata na nagsimula ang milling season noong nakaraang linggo kaya walang problema sa supply. Gayunpaman, hinimok niya ang Administrasyong Marcos na tugunan ang napakataas na presyo ng asukal sa merkado.

Aniya, ang mga magsasaka at nagtatanim ay nagbebenta ng raw na brown sugar sa halagang P45/kilo pero umaabot sa P100/kilo ang retail prices. Sa pagsaalang-alang ng halaga ng proseso sa pagpino ng asukal at iba pang mga gastos, naniniwala si Lamata na ang mga presyo ay hindi tama at itinuturong dahilan ng pagtaas ay ang pagkakaroon ng mga middlemen.

“Ang daming mga middlemen. From us, binibili ng trader, pinapasa sa refiner, papatong na naman ang shippers, tapos rebagger. Patong-patong iyon hanggang papunta sa retail. Ang daming kumakana. Kung baga, sa eskinita, ang daming ambush kaya ang presyo tumataas,” ayon kay Lamata.

Pinasalamatan ng UNIFED si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-iwas sa posibleng sakuna sa pamamagitan ng pagpapahinto sa plano ng Sugar Regulatory Administration na mag-angkat ng 300,000 metriko toneladang raw at refined na asukal.

Mabilis na tinanggihan ni Marcos ang utos. Itinuring ng Palasyo na ilegal nitong linggo ang Sugar Order No. 4 ng SRA, at nanawagan ng malalim na imbestigasyon sa memorandum at sa mismong ahensya.

Sinabi ni Lamata na ang pahayag ng SRA tungkol sa kakulangan ng asukal ay para lamang lumikha ng pekeng demand para sa mga pag-aangkat.

“Iyon palagi ang sinasabi ni Admin (Hermenegildo) Serafica na paubos na o wala na that’s why they have to import. Para sa akin excuse lang iyan to import sugar,” ika niya.

Sinabi ng opisyal ng UNIFED na kinonsulta siya ng SRA bago ang memo upang itanong kung kailangan ng gobyerno na mag-angkat ng processed sugar, ngunit sinabi ni Lamata na nagulat siya nang isama sa order ng SRA ang pag-aangkat ng raw sugar dahil may sapat na supply nito sa bansa.

Leave a Reply