Nais ni Senadora Grace Poe na isa-publiko ng Commission on Audit (COA) ang 2020 Audit Report ng Philippine Health Insurance Corp. (PhiliHealth) upang maging malinaw sa mga mambabatas ang tunay na estadong pampinansyal ng ahensya kasabay ng pagtalakay sa 2022 national budget.

“Kailangan naming malaman kung magkano talaga ang utang ng PhilHealth sa mga ospital at healthcare workers. Dapat itong mabayaran agad at matukoy ng gobyerno kung saan kukunin ang pondo,” ani Poe.

Ayon sa senadora, ang paglalabas ng COA report ay magbibigay ng kongkretong basehan sa financial condition ng PhilHealth at matutukoy din kung epektibo ba talagang nagagamit ang pondo para sa pangangailangang pangkalusugan ng publiko.

“Nanganganib ang operasyon ng mga ospital. Nasa pandemya pa rin tayo at marami ang namamatay. Hindi dapat itago ng PhilHealth ang mga numero,” diin ni Poe.

Batay sa inilabas na 2019 Annual Audit Report ng COA sa PhilHealth, tinatayang P75.57 bilyon ang mga benefit claim na halos doble sa naiulat noong pagtatapos ng taong 2018 na pumalo lamang sa P39.79 bilyon.

Sinabi ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) na patuloy pa rin silang naghihintay sa gagawing aksyon ng PhilHealth sa mga COVID-19 claim mula 2020 sa gitna ng banta ng ilang pagamutan na putulin ang kanilang koneksyon sa ahensya.

“Lalong mahihirapan ang mga miyembro ng PhilHealth na makuha ng buo ang kanilang benepisyo dahil kinakailangan na nilang bayaran mula sa sariling bulsa ang gastusin sa kanilang pagpapagamot at umasang mare-reimburse sila,” ani Poe.

“Hindi maaaring gumamit ang PhilHealth ng delaying at scare tactics para panghinaan ng loob ang mga ospital na singilin ang utang sa kanila,” dagdag pa niya.

Nakatanggap ng 35,147 COVID-19 claims sa mga ospital ang PhilHealth noong 2020 ngunit 10,265 lamang ang nabayaran dito na nagkakahalagang P2.5 bilyon.

642 lamang ang nabayaran ng PhilHealth sa idineklarang 2,859 claims para sa mga kritikal na kaso ng COVID-19 na nagkakahalagang P505.6 milyon. Tumanggi ang ahensya na bayaran ang 309 cases na aabot sa P243 milyon. Naibalik naman ng PhilHealth ang 1,179 claims o P927.15 milyon sa mga pagamutan para sa mga critical cases, 729 claims naman ang pinoproseso pa hanggang noong Hulyo 31, 2021.

Para sa critical COVID-19 cases, aabot sa P786,384 ang binayaran ng PhilHealth para sa hospitalization ng isang miyembro.

Pinuna ang mga ‘actuarial estimate’ at ‘assumption’ ng PhilHealth at inirekomenda ang papatibay sa actuarial valuation process sa 2019 COA report sa ahensya.

“Kailangan naming mabusisi sa Senado ang estadong pampinansyal ng PhilHealth para magamit itong batayan sa pagtalakay ng 2022 government budget,” giit ni Poe.

“Bago pa ang COVID-19, pinuna na ng COA ang actuarial valuation process ng PhilHealth. Sa gitna ng pandemya, nakita na dapat nang magkaroon ng actuarial study ang PhilHealth sa kanilang pondo at bumalangkas ng mga rekomendasyon para maging viable at sustainable ang pondo,” dagdag pa niya.

(By: Aj Lanzaderas Avila)

Leave a Reply