Share:

By Frances Pio

––

Pumanaw na ang babae nasa viral na “Free hug” video sa social media noong Sabado ng umaga, Hulyo 2.

Ang babaeng palaboy sa video na nag-trending online ay nakilalang si Melanie Dubos. Nag-viral siya matapos niyang yakapin ang isang ABS-CBN reporter sa kanyang live report.

Dahil sa viral video, muling nakasama ni Melanie ang kanyang kapatid na si Mona Dubos, na matagal nang naghahanap sa kanya.

Siya ay na-confine sa isang psychiatric hospital para sa kanyang mental health treatment ngunit sa kasamaang-palad ay namatay ngayong buwan, ayon sa ulat ng ABS-CBN.

Nakasaad din sa ulat ng ABS-CBN na kinumpirma ni Peachy Lacabo ng Muntinlupa Social Services Department ang pagkamatay ni Melanie.

“Hindi na po tayo nakakuha ng iba pang information kasi nga po yung nagbigay lang po satin ng information is the doctor lang po siya sa sakit pero not the psychiatrist. Eh nung tinatawagan po natin eh hindi po talaga natin siya natatagpuan palagi pong nasa meeting,” sinabi ni Lacabo.

Naghihintay pa rin ang pamilya ni Melanie ng karagdagang detalye dahil hindi pa rin matukoy ng National Center for Mental Health, kung saan naka-confine si Melanie, kung ano ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Bukod dito, sinabi rin ni Lacabo na hinihintay pa nila ang resulta ng swab test ni Melanie bago ilabas ang labi nito.

Ang ina ni Melanie na si Aida Dubos, na kaluluwas lamang ng Maynila mula sa Sultan Kudarat upang bisitahin si Melanie sa ospital, ay nalungkot nang marinig ang balita.

“Grabe sobrang nanginginig talaga ang katawan ko, buong katawan ko nanginginig talaga. Hindi ko alam anong gagawin ko ma’am. Sobrang sakit po. Ni hindi ko man lang siya nakita ng personal,” sinabi ni Aida sa ABS-CBN news.

Nais ni Aida na maiuwi ang mga labi ni Melanie sa Mindanao para sa maayos na paglilibing, ngunit hindi niya alam kung paano ito pondohan.

Leave a Reply