Share:

By Frances Pio

––

Ipinatupad ng Lalawigan ng Camiguin ang pansamantalang pagbabawal sa karne ng baboy at mga by-product mula sa labas ng isla matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture-Northern Mindanao (DA-10) ang mga kaso ng African swine fever (ASF) sa probinsya.

Humiling si Gobernador Xavier Jesus Romualdo noong Sabado sa mga hog raisers na huwag makisali sa swill feeding o pagpapakain ng mga scrap na pagkain at magpatibay ng naaangkop na biosecurity measures.

“The public is likewise advised that the slaughter of pigs outside of the municipal slaughterhouses is a criminal offense punished under Republic Act 9296, otherwise known as the Meat Inspection Code of the Philippines, as amended by RA No. 10536,” ayon sa anunsyong inilabas.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang pagbebenta, pagdadala, at pag-aalok o pagtanggap para sa pagbebenta o transportasyon sa komersyo ng iligal na kinakatay na baboy ay isang krimen.

Sasailalim sa kumpiskasyon ang mga iligal na kinatay na baboy, ayon pa sa batas.

Sa advisory na nilagdaan ni DA-10 Executive Director Carlene Collado, isinailalim sa laboratory tests ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL-10) ang mga blood specimen na isinumite ng Provincial Veterinary Office (PVO).

Matapos makatanggap ng mga ulat ng 14 na pagkamatay ng baboy sa Pandan, Mambajao, nagsagawa ang PVO ng inisyal na pagsisiyasat sa outbreak ng sakit noong Hunyo 22.

Noong Hunyo 30, walo sa 18 swine blood samples na ipinadala sa RADDL ang nagpositibo sa ASF.

Matapos matanggap ang mga resulta ng RADDL, ang Pamahalaang Bayan ng Mambajao at ang pamahalaang panlalawigan ay nagpatuloy sa pag-depopulate ng mga infected na lugar at lahat ng backyard pig farm sa loob ng 500 metro mula sa infected na lugar.

Ipinagbabawal din ang paggalaw at pagdadala ng mga baboy sa labas ng Pandan. Hinimok ni Romualdo ang mga hog raisers sa lalawigan sa mga lugar na wala pang kumpirmadong kaso ng ASF sa ngayon na kumuha ng livestock insurance mula sa Philippine Crop Insurance Corporation.

Leave a Reply