By Christian Dee
MAYNILA – Inanunsyo ng mga kompanya ng langis na magkakaroon ng rollback sa presyo ng kanilang mga produkto.
Simula bukas, sa iba’t ibang oras, ipatutupad ng mga kompanya ang pagbababa ng presyo ng mga langis.
Base sa abiso ng Caltex, bababa ng P3.95 kada litro ang Diesel nito. Ang gasolina naman ay mababawasan ng P0.85/L, habang ang kerosene ay P2.65/L ang ibababa, na ipatutupad bukas ng alas-12:01 ng hatinggabi.
Sa Shell at Seaoil naman ay kapareho lamang ng Caltex. Ang Diesel ay ibababa sa P3.95/L, ang gasolina ay may bawas-presyong P0.85 kada litro at sa kerosene naman ay P2.65 kada litro ang ibabawas. Alas-6 ng umaga naman magsisimula ang pagbaba ng presyo ayon sa kompanyang nabanggit.
Ang Cleanfuel, alas-12:01 ng hatinggabi rin magpapatupad ng bagong presyo nito sa diesel na bababa sa P3.95/L at gasolina, P0.85 ang ibabawas.
Sa Petro Gazz, PTT Philippines naman ay magbababa ng presyo simula alas-6 ng umaga. Tatapyasan ng P3.95 kada litro ang presyo ng diesel, habang P0.85 naman sa presyo ng gasolina.
Samantala, inaasahan sa Disyembre ang taas-presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ng P2 hanggang P3.
Posible pa ring mabago ang inaasahang presyo ng LPG hanggang Miyerkoles, Nobyembre 30.
