By Frances Pio
Natanggap ni dating Bise Presidente at Senatorial Aspirant Jejomar Binay nitong Martes ang suporta ni dating Presidente at Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at ng Makabayan Bloc ng mga progresibong mambabatas.
Kasama ni Arroyo si Binay sa kanyang market tour sa Angeles Market at San Fernando Public Market sa Pampanga. Kasama rin nila ang ilang lokal na opisyal.
Inanunsyo naman ng Makabayan bloc ang pagsasama kay Binay sa listahan ng mga senatorial candidates na sinusuportahan ng grupo ng mga progresibong mambabatas.
Nagpahayag ng pasasalamat si Binay sa bumubuhos na suporta sa kanyang senatorial bid.
Ang dating bise presidente ay guest candidate sa senatorial tickets nina Vice President Leni Robredo, Senator Manny Pacquiao, at Senator Ping Lacson. Si Sara Duterte, na Davao City mayor at ang running mate ni dating senador Ferdinand Marcos Jr., ay nagpahayag din ng kanyang suporta sa kandidatura ni Binay.
Nakatanggap din si Binay ng mga pangako ng suporta mula sa mga lokal na opisyal sa panahon ng kanyang campaign sorties.
“I am grateful for these endorsements and expressions of support. As I have said earlier, our task is to rebuild our country from the pandemic, and to do this we need to build the broadest coalition possible behind this goal,” ika niya.
“Hindi natin ito magagawa kung tayo ay magkakahiwalay. Kailangan nating magsama-sama. Iba’t-iba man ang kulay, nagkakaisa naman tayo sa hangarin para sa ating bansa at sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
