By Frances Pio
––
Ang Commission on Human Rights (CHR) ay nakakakuha ng suporta mula sa ilang mambabatas upang magkaroon ng mas malaking budget para sa 2023, matapos ang Department of Budget and Management ay naglaan lamang ng halos kalahati ng kanilang iminungkahing ₱1.6-bilyon para sa susunod na taon sa National Expenditure Program.
Sa budget deliberation kasama ang House Committee on Appropriations nitong Huwebes, nagpahayag ng pagkabahala ang ilang mambabatas na tumanggap lamang ang komisyon ng mahigit ₱800 milyon na pondo, 12.27% na mas mababa sa ₱964.7-milyong badyet nito para sa kasalukuyang taon.
“A larger sum of funds would enable them to expand and cover a greater number of vulnerable and underserved people, including those who were victims of abuses by the state and non-state actors,” sinabi ni Negros Oriental Rep. Jocelyn Sy-Limkaichong, na siyang sponsor ng CHR budget sa plenary debates.
“Their role as an independent agency, acting as a check-and-balance and as a policy advisor to the government is as relevant today as it has been in the previous years,” ani Sy-Limkaichong.
“What we want is not just to restore the budget but to also increase it to its original budget,” sinabi ni Sy-Limkaichong bilang pagtatapos.
Sinabi ni CHR Executive Director Jacqueline de Guia na posibleng makaapekto ang budget cut sa kanilang Maintenance and Other Operating Expense para sa darating na taon, lalo na’t ang mga regional officers ng komisyon ay sumasakop sa walong probinsiya. Sinabi niya na ang pagtugon sa mga ulat ng mga paglabag sa karapatang pantao ay “kailangang maglakbay nang hindi bababa sa tatlo hanggang limang oras.”
Sina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, Marikina Rep. Stella Quimbo, Albay Rep. Edcel Lagman, Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, ACT-Teachers Rep. France Castro, at Gabriela Rep. Arlene Brosas ay kabilang sa mga nagpahayag ng suporta para sa mas mataas na alokasyon ng badyet para sa CHR sa panahon ng deliberasyon ng komite.
Gayunpaman, si Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta, na minsang kumilos upang bigyan ang komisyon ng napakaliit na ₱1,000-badyet bago ang kamara noong 2018, ay paulit-ulit na inihaw ang CHR sa mandato nito. Ibinahagi pa niya na ang ginawa niya five years ago ay nakakuha siya ng bashers at nag-udyok pa sa kanyang dissertation adviser na “iwanan” siya.
“I was then doing my doctoral dissertation at the University of the Philippines. Alam po ba ninyo na ‘yung aking adviser iniwan ako dahil sa aking ginawa?” tanong ni Marcoleta kay De Guia.
Inaprubahan ng Senado ang ₱693-million budget para sa CHR noong 2017, na kalaunan ay binaliktad ang malawakang pagbawas sa budget na una nang ipinasa sa plenaryo ng Kamara.
Ang budget bill para sa 2023 budget ng CHR ay ipapadala sa plenaryo para sa isa pang round ng debate.
