By Frances Pio
––
Simula sa Setyembre 1, ang mga pasahero at bisitang papasok at lalabas sa Dinagat Islands ay kinakailangang magpakita ng valid coronavirus disease-2019 (Covid-19) vaccination card.
Ito ay ipinag-uutos sa ilalim ng Executive Order (EO) na inilabas ni Gov. Nilo Demerey Jr. noong Hulyo 30.
Ibinalangkas din ng EO ang ilang guidelines at health protocols dahil isinailalim na sa Alert Level 2 ang probinsya.
“The Covid-19 continues to affect all essential areas of governance, most importantly, the vulnerable sectors such as the economy, education, and healthcare,” ayon kay Demerey sa EO.
Binanggit din niya ang National Inter-Agency Task Force na isinailalim ang Lalawigan sa Alert Level 2.
Sa ilalim ng EO, inaatasan ang mga residente sa lalawigan na sundin ang lahat ng minimum health protocols upang maiwasan ang higit pang pagkalat ng COVID-19 virus.
Sinabi sa kautusan na tanging mga hotel at accommodation na may hawak ng valid accreditation ng Department of Tourism ang tanging papayagang mag-operate sa lalawigan.
Simula Setyembre 1, ang mga manlalakbay na hindi makapagpapakita ng mga valid na vaccination card o certificate ay maaaring payagang pumasok o umalis sa probinsya basta’t magpapakita sila ng negatibong antigen test na kinuha tatlong araw bago ang paglalakbay.
Gayunpaman, hindi kakailanganin ang mga vaccination proof para sa mga magpapakita ng medical certificate na nagsasaad kung bakit hindi sila nabakunahan sa mga kadahilanang pangkalusugan.
Bilang karagdagan, ang mga indibidwal na maaaring magpakita ng home isolation permit sa loob ng pitong araw na inisyu ng local government unit ay maaari ding payagang makapasok.
Bilang host ng ilang malalaking kumpanya ng pagmimina na nagpapadala ng mga ore sa labas ng bansa, sinabi ng EO na ang mga dayuhang sasakyang pandagat ay maaaring payagan basta may sertipikasyon mula sa Bureau of Quarantine na nagsasaad na ang mga miyembro ng tripulante at tauhan ay walang anumang problema sa kalusugan, kabilang ang Covid- 19.