By Christian Dee
MAYNILA – Ayon sa Department of Education – National Capital Region, naumpisahan na nitong Lunes ng umaga, Enero 23, ang psychological debriefing para sa mga mag-aaral sa Culiat High School sa Quezon City matapos saksakin ang 13-anyos na estudyante ng kanyang ka-eskwela.
Ani DepEd NCR Director Wilfredo Cabral, nag-imbita rin ng tao sa loob ng komunidad para makapagbigay din ng debriefing.
“Dahil naniniwala tayo na mas higit na lalakas ‘to kung may involvement ang komunidad,” aniya.
Matatandaan noong Biyernes, Enero 20, nang saksakin ng 15-anyos na mag-aaral ang biktima sa labas ng silid-aralan sa Culiat High School.
Dakong alas-5:45 ng umaga naganap ang insidente na humantong sa pagkamatay ng biktima.
Patuloy naman, ayon kay Cabral, ang pangangalap ng impormasyon at mga ebidensyang makatutulong sa imbestigasyon.
“Patuloy pa po tayo na nag-ga-gather ng evidences at ng mga information, at ang atin pong pinagbabasehan ay kung ano yung incident report na nag-submit sa atin ng paaralan sa pamamagitan ng division office,” anya.
Tingin naman ng naturang opisyal, ang pinakamahalaga ay ang mapag-alaman kung anong maaring gawin para sa mga batang sangkot sa insidente, ang biktima, ang suspek, at ang nakasaksi sa pangyayari.
