By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Enero 23, sa isang press conference na nasa halos 700 na ang bilang ng mga kinumpiskang baril simula noong taong 2019.
Mahigit 200 naman ang bilang ng lisensyang binawi, kung saan nasa ilalim nito ang naturang mga baril, ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr.
“Over the past 4 years since 2019, we have revoked 240 Firearm licenses and confiscated 684 firearms registered under these licenses for flagrant violation of the conditions of this privilege,” aniya.
Ayon kay Azurin, ang mga paglabag ay kaugnay ang pagiging sangkot ng may-ari sa ilegal na droga, paggawa ng krimen na kinasasangkutan ng baril at bala, matagal na hindi pa-renew ng lisensya ng mga baril, at iba pa.
Sinabi rin ng opisyal na nasa 201 naman ang bilang ng mga kumpiskadong baril habang 41 lisensya ang binawi.
Ayon naman kay Col. Kenneth Lucas, ang namumuno sa PNP Firearms and Explosives Office, mayroong dalawang license to own and possess firearms ang na-revoke noong nakaraang eleksyon.
Ito ang naging dahilan ng pagkumpiska sa labimpitong baril.