By Christian Dee
MAYNILA – Ayon sa isang opisyal ng Department of Agriculture nitong Miyerkoles, tinitingnan ng ahensya ang pagsisimula ng rollout ng mga nakumpiskang ipinuslit na asukal at ibebenta sa Kadiwa stores sa darating na Abril.
Sa isang panayam sa Dobol B TV, sinabi ni DA spokesperson Kristine Evangelista na tingin niya na ang naturang buwan ay “very realistic.”
“Siguro, if we are looking at April na rollout, I think this is very realistic. By then, ‘yung allocations ng mga Kadiwa stores natin pagdating ng ilang sacks ng sugar ang ibabagsak sa kanila para makabenta sila ng per kilo, ‘yan ang ating inaayos,” aniya sa GMA News.
“Tinitingnan din natin how long the supplies will last also,” dagdag pa niya.
Ani Evangelista, ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng inisyatibang ito ay isinasapinal na para maipagbili ang naturang mga produkto sa ilang pamilihan ng programang Kadiwa.
Kahapon, sinabi ng Presidential Communications Office na inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbebenta ng nakumpiskang mga ipinuslit na asukal sa halagang P70 kada kilo sa Kadiwa center.
“Kamakailan, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang rekomendasyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ibigay bilang donasyon sa Department of Agriculture (DA) ang 4,000 metric tons ang nahuling smuggled refined sugar upang maipagbili sa publiko sa mga Kadiwa Centers sa halagang katumbas ng actual mill gate prices na sa ngayon ay nasa P70 per kilo,” anang PCO sa isang pahayag.
Bagama’t makakabili man sa murang halaga, sinabi naman ni Evangelista na papayagan lamang makabili ang isang pamilya ng hanggang dalawang kilo lamang, napapailalim sa pinal na IRR.
Ayon kay Evangelista, isa sa mga tinitingnan din ng ahensya ang pagbebenta sa Kadiwa stores ng iba pang mga nakumpiskang ipinuslit na mga pangangailangan gaya ng bigas at mga gulay dahil sa dami ng tumatangkilik sa programa.