Ang mga pampubliko at pribadong sementeryo sa Davao City ay isasara sa loob ng dalawang linggo mula Oktubre 24 hanggang Nobyembre 7 upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao na posibleng magdulot ng malawakang pagkalat ng sakit na COVID-19, dahil inaasahang bibisitahin ng mga tao ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay bilang pagdiriwang ng All Saint’s Day at All Soul’s Day.
Ayon kay Dr. Michelle Schlosser, tagapagsalita ng Davao City COVID-19 Task Force, na ang mga aktibidad na pinahihintulutan sa close period ay kinabibilangan ng burial rites, pagdiriwang ng kaarawan para sa namatay na miyembro ng pamilya, traditional memorial service para sa ika-40 araw pagkatapos ng kamatayan, at mga anibersaryo ng kamatayan.
Aniya, maaaring bumisita ang publiko sa mga sementeryo bago o pagkatapos ng panahon ng pagsasara.
Dagdag pa niya, exempted ang mga indibidwal na kabilang sa vulnerable sector tulad ng mga menor de edad na wala pang 15 taong gulang at mga senior citizen na 65 taong gulang pataas, sa kondisyon na sila ay immediate family ng kanilang mga namatay na mahal sa buhay. (By: Frances Pio)