By Christian Dee

MAYNILA – Umabot na sa mahigit 1.3 milyong foreigners ang pumasok sa bansa sa unang quarter ng taong 2023, ayon sa Department of Tourism (DOT).

Sa isang panayam sa TeleRadyo, sinabi ni DOT Secretary Christina Garcia Frasco na nakikita nito ang “momentum for recovery for tourism” dahil sa dami ng mga dayuhang dumating sa bansa.

“Hindi pa natatapos yung ating first quarter, umabot na po tayo sa over 1.3 million international arrivals,” aniya.

“Saka over 90 percent noon yung international foreign guests so, we’re seeing the momentum for recovery for tourism,” dagdag pa niya.

Ani Frasco, patuloy ang pagsisikap ng DOT sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para mabigyan ng nararapat na solusyon ang mga suliraning hinaharap ng industriya ng turismo sa bansa.

“That’s why we launched the National Tourism Development Plan that seeks to address these challenges. Kasali na doon ‘yung infrastructure, connectivity, at iba pa,” sabi ng Kalihim.

Napansin din ni Frasco na muli nang dinarayo ng mga bisita ang mga tourism establishments, kabilang ang “key destinations” ng bansa, sa kabila ng pagbubukas nito matapos ang naging epekto ng mga polisiyang ipinatupad dahil sa COVID-19 pandemic.

“’Yung iba record-breaking yung mga bookings nila, dahil some of them have even exceeded pandemic numbers but of course, others are still recovering, that’s why we’re doing our very best,” aniya.

Para sa taong 2022, naitala na umabot sa 2.65 milyong foreigners ang pumasok sa bansa. Ngayong taon naman, inaasahang mas marami pa ang darating na turista.

Leave a Reply