By Jude Sagun
––
Ikinumpara ng aktres na si Ella Cruz ang history sa tsismis sa kanyang naging interview para sa nalalapit na pagpapalabas ng pelikulang “Maid in Malacañang,” ang pelikulang hango sa huling tatlong araw ng pamilya Marcos sa palasyo matapos itong mapatalsik noong Edsa People Power Revolution.
Ang ikaapat na anak ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at dating First Lady Imelda Marcos na si Irene Marcos-Araneta, ang gagampanan ni Ella. Sa kabila ng mga intriga at kritisismo sa ginagawang pelikulang ito, nanindigan si Ella na ‘Filtered’ ang kasaysayan, at anya hindi natin alam ang totoong nangyari noon.
“History is like tsismis. It is filtered and dagdag na rin, so hindi natin alam what is the real history. Naro’n na yung idea, pero may mga bias talaga. As long as we are here at may kaniya-kaniyang opinion, I respect everyone’s opinion,” Ani ni Ella.
Dagdag pa ng Viva Star, ikukwento ng pelikulang ito ang side naman ng mga Marcos, pero ibabase pa rin sa “reliable source.”
“Kasi struggling na eh, last three days! Kahit naman sila struggling even right now, di ba? So, paano kaya iyon na there (was) so much pressure on their side during those times?” dagdag nito.
Umani ng batikos si Ella sa social media at naging trending topic pa sa Twitter kung saan maraming nainis sa pagkumpara nito sa History at tsismis. Ayon sa mga ito, klaro naman daw na ang history ay mula sa pananaliksik at pag-aaral ng mga dalubhasa, habang ang tsismis ay mga sabi-sabi lamang.

Maging ang TV Host na si Gretchen Ho ay nagkomento rin sa sinabi ni Ella, ayon sa kanya, ang ‘History’ ay fact habang ang ‘Tsismis’ ay opinyon lamang.

Samantala, kasama rin sa pelikula sina sina Ruffa Gutierrez bilang Imelda, Cesar Montano bilang Ferdinand Sr, Diego Loyzaga bilang Bongbong, Christine Reyes bilang Imee, at sina Karla Estrada, Elizabeth Oropesa, at Beverly Salviejo bilang mga katulong ng mga Marcos.
Kasalukuyang kinukunan ang pelikula sa mansyon ng mga Marcos sa San Juan at
nakatakda nang ipalabas ngayong Hulyo, na ididirehe ng kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap.