by Frances Pio
––
Nagbitiw na ang mga nominado ng P3PWD (Komunidad ng Pamilya, Pasyente at Persons with Disabilities) Party-list, at si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon ang nakalista bilang bagong unang nominado na papalit sa pwesto.
Sinabi ni Comelec Acting Spokesperson Rex Laudiangco nitong Lunes na ang party-list ay nagsampa ng mga dokumento sa Law Department ng Comelec sa parehong araw ng 1:01 p.m.
Kabilang sa mga inihain na dokumento ay ang mga notarized resignation letter ng mga nominado na sina Grace Yeneza, Ira Paulo Pozon, Marianne Heidi Cruz Fullon, Peter Jonas David, at Lily Grace Tiangco.
Nagsumite rin ang P3PWD ng notarized certificate of nomination — na nilagdaan ng secretary-general nitong si Donnabel Tenorio — na naglalaman ng mga pangalan ng mga bagong nominado:
–Ma. Rowena Amelia Guanzon – first nominee
–Rosalie Garcia – second nominee
–Cherrie Belmonte-Lim – third nominee
–Donnabel Tenorio – fourth nominee
–Rodolfo Villar Jr. – fifth nominee
Sinabi ni Laudiangco na ang usapin ay “subject to the deliberation of the Commission en banc.”
Nanalo ang P3PWD ng puwesto sa House of Representatives matapos makatanggap ng 391,174 na boto noong May 9 elections.