By Jude Sagun
Sasabak si Gwendolyne Fourniol mula Negros Occidental, bilang kinatawan ng Pilipinas sa 71st edition ng Miss World Pageant ngayong taon.
Itinanghal si Fourniol bilang Miss World Philippines 2022 sa katatapos lamang na national competition sa Mall of Asia Arena, Lunes ng madaling araw, Hunyo 6.
Kinoronahan siya ni Miss World Philippines 2021, Tracy Maureen Perez, top 12 sa nakaraang edisyon ng international pageant na ginanap nitong Marso lamang.
Pinabilib ng Visayan Beauty queen ang mga hurado sa kanyang overall performance lalo na ng kanyang sagot sa question and answer round, kung saan nanindigan siya sa kahalagahan ng edukasyon sa gitna ng pandemya.
Q: “How do we cope up from an education deficit accumulated due to the pandemic?”
A: “As an advocate of education, I do agree that during the pandemic, we have suffered the most. But the children who [lack access] to education have suffered the greatest. And working [hand-in-hand] with all [foundations] who empower the marginalized Filipinos, I believe [that] by uniting benefactors and encouraging our children, and allowing them to go back to school, especially during this pandemic will make this world a better place because education is the greatest weapon against poverty. Thank you!”
Bukod pa rito, nanalo rin siyang ‘Best in Evening Gown.’
Target ni Fourniol na sundan ang yapak ng kauna-unahang Miss World mula sa Pilipinas na si Megan Young matapos ang siyam na taon.
Samantala, kinoronahan naman si Alison Black mula sa Las Piñas bilang Miss Supranational Philippines, habang si Ashley Subijano Montenegro mula sa Makati City ang tinanghal na Miss Eco Philippines. Si Ingrid Santa Maria mula Paranaque ang Reina Hispanoamericana Filipinas, habang ang Miss Eco Teen Philippines ngayong taon ay si Beatriz McLelland ng Aklan.