Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Ayon sa Department of Agrarian Reform nitong Huwebes, Pebrero 9, 1,236 na mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa rehiyon ng Caraga ang nakatanggap ng mga benepisyo, kabilang ang mga lupain, mula sa ahensya.

Naipamahagi ng DAR sa mga ARBs ang kabuuang 1,952 ektarya ng mga lupang pang-agrikultura, mga proyektong pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng P215 milyon, at P25.5 milyong halaga na pinagsamang makinarya sa pagsasaka, isang pasilidad ng greenhouse at tissue culture.

Ito ang mga sukat ng mga lupang ipinamahagi ng ahensya sa mga sumusunod na lugar, ayon sa DAR:

  • Agusan del Sur – 1,096.0182 ektarya
  • Surigao del Norte – 301.6279 ektarya
  • Surigao del Sur – 222.1077 ektarya
  • Agusan del Norte – 194.8009 ektarya
  • Dinagat Island – 137.8692 ektarya

Sinabi rin ng naturang ahensya na ginawa sa mga bayan ng Surigao del Sur, kabilang ang Barobo, San Miguel, Madrid, Carme, Cagwait, at Tago, ang farm-to-market roads.

Samantala, inilipat naman ng DAR ang pamamahala ng P6.02-milyon na kalsada sa bayan ng Trento sa Agusan del Sur.

Ipinagkaloob din sa bayan ng Madrid ang isang tulay na nagkakahalagang P8.98-milyon.

Tumanggap din ang mga organisasyon ng ARBs sa naturang rehiyon ng iba pang mga tulong para sa pagsasaka gaya ng 4-wheel drive na traktora.

Nasa P25.5-milyon naman ang halaga ng makinarya sa pagsasaka, greenhouse at tissue culture na mga pasilidad ang natanggap ng mga benepisyaryo.

Leave a Reply