By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ng isang negosyante sa isang panayam sa TeleRadyo na ilang poultry farms sa lalawigan ng Batangas ang tumigil na sa produksyon dahilan ang pagkalugi.
Ayon sa negosyante, Rolly Lagaya, mahigit isang tao at patuloy nang nalulugi ang mga poultry raisers sa lugar at isa sa dahilan nito ay ang mahinang demand sa itlog noong kasagsagan ng pandemya.
“Kasi nga, ang mga poultry raisers dito, ay more than 1 year na nalulugi, tuloy-tuloy ang lugi. Kasi nung kasagsagan ng pandemic mahina ang demand, kaya mura ang itlog, marami nalugi, marami din ang nagsara, kundi man nagsara, nagbawas ng population,” kuwento ni Lagaya, co-owner ng isang poultry farm.
Aniya, ang kakulangan sa suplay ng itlog ay resulta ng pagtigil ng mga paitlugan sa produksyon.
“Kulang ang itlog, hindi naman makapag-load o makapag-expand dahil natatakot dahil nandyan pa rin ang threat ng bird flu. Anytime possible kang tamaan,” ani Lagaya.
Kuwento pa niya, mayroong mga paitlugan na ibinebenta na, pati na rin ang mga bahay at lupa.
Sinasabi namang ang pagtaas ng presyo ng itlog sa pagpasok ng taong 2023 ay dahil sa kulang ang suplay nito.
Giit pa ni Lagaya, mahal din ang presyo ng mga sangkap ng patuka ng manok kaya rin nagtaas ang presyo ng itlog.
