By Christian Dee

MAYNILA – Ikinakasa ng ilang transport groups ang isang linggong tigil-pasada bilang kanilang pagtutol sa isinusulong na pag-phaseout sa mga tradisyunal na dyip.

Napag-alamang sa Marso 6 ay sisimulang idaos ang pitong araw na paghihinto sa pamamasada hanggang Marso 12.

Sinabi ng chairperson ng Manibela na si Mar Valbuena na ang unang protesta ng naturang sektor mula noong pinayagang magbalik sa operasyon ang mga pampublikong sasakyan nang buong kapasidad nito magmula noong maapektuhan ng restriksyon sa pandemya, sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON (Region IV-A), at iba pang mga rehiyon.

Hinihingi rin nila ang pang-unawa ng publiko para sa isasagawang protesta.

“If we don’t fight this, the commuters will suffer more,” ani Valbuena.

Inaasahan ding lalahukan ng ilan pang mga tutol sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program, gaya ng mga driver at operator ng dyip at UV express, ang isang linggong transport holiday.

Layunin naman ng naturang programa, anang Department of Transportation, na palitan ang mga tradisyunal na dyip ng mga sasakyang nakabubuti sa kapaligiran.

Sa isang press briefing, hinimok ng ilang mga samahan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibasura ang June 30 na deadline para sa mga tsuper at operator ng tradisyunal na dyip na makiisa sa kooperatiba.

Hindi na rin maaring makapamasada ang mga ito sa naturang araw dahil mapapaso na na ang prangkisa sa nasabing petsa.

“Individual operators may join an existing consolidated entity until 30 of June 2023. Only those individual operators who are able to join an existing consolidated entity on or before 30 June 2023 shall be allowed to have their PA extended until 31 December 2023,” saad sa Memorandum Circular No. 2023-013 na inaprubahan ng LTFRB.

Ngunit apela ng ilang tsuper, baka maari pang mabigyan ng panahon para makalipat sa mga modernong dyip.

Batid naman ng LTFRB technical division chief na si Joel Bolano na hindi agad-agad kakailanganing palitan ang yunit sakaling makiisa sa kooperatiba.

“They will operate the [unit] whether modern or traditional until December as long as they are consolidated,” paliwanag ni Bolano.

Leave a Reply