By Christian Dee
MAYNILA – Ikinatuwa ng ilang mga drayber ng mga pampublikong sasakyan ang mahigit P2 na ibabawas sa presyo ng produktong petrolyo sa darating na Martes, Pebrero 7.
Makatutulong, ayon sa pangulo ng UV Express National Alliance of the Philippines na si Exequiel Longares, kahit papaano ang bawas-presyo sa langis at inaasahan nila ang tuloy-tuloy na rollback.
Bukod sa kanila, natuwa rin sa inaasahang tapyas sa presyo ng naturang produkto lalo na sa gasolina ang ilang mga food delivery riders.
Posibleng bumaba sa P2.60 hanggang P3 kada litro ang presyo ng diesel matapos ang ilang linggong sunod-sunod na pagtaas ng halaga ng langis.
Ang gasolina naman ay aabot sa P1.80 hanggang P2.20 ang ibababa, habang ang kerosene ay nasa P2.40 hanggang P2.80 ang ibabawas sa kasalukuyang presyo nito.
Ang ilan naman ay nangangamba dahil baka hindi naman ang mangyayaring pagbaba ng presyo ay patikim lamang.