Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Panalo sa unang game sa Premiere Volleyball League ang Choco Mucho Flying Titans nitong Sabado, Pebrero 4, laban sa Akari Chargers.

Nasungkit ng nanalong team ang tatlong set ng laban nang pangunahan ng hinirang na “Player of the Game” na si Maddie Madayag ang unang game para sa pagbubukas ng PVL.

Tinapos ng Choco Mucho Flying Titans ang unang set kung saan nakakuha ang naturang team ng 25 puntos, sampung puntos ang layo sa nakuhang score ng kabilang koponan.

Limang puntos naman ang nilamang ng nanalong koponan kontra Akari Chargers sa ikalawang set, 25-20, kapareho ng naging resulta sa ikatlong set, 25-20.

Ang beteranong manlalaro na si Madayag naman ay hindi napigilang magpakitang gilas sa kanyang pagbabalik sa volleyball court.

Nakakuha siya ng labing-isang (11) puntos, siyam na atake (9 attacks), 1 block, at isang service ace.

Ilang mga netizens naman ang nagpaabot din ng komento sa pagiging “Player of the Game” ni Madayag.

Anang isang netizen, “kakamiss ganiyang attack mo, [Maddie].”

“Best player of the game, dasurv!” naman ang isang komento ng isa pang netizen.

“The rock Madzilla is definitely back!!” komento ng isa pang tagahanga nito.

Leave a Reply