By Christian Dee

MAYNILA – Ayon sa isang opisyal mula sa Philippine Health Insurance Corporation, nasa P66.3 bilyong halaga ng benepisyo na ang inilabas ng naturang state insurer magmula noong nagsimula ang pandemya sa bansa.

Anang acting vice president ng corporate affairs group ng PhilHealth na si Rey Baleña, ang inilabas na halaga ng PhilHealth ay mula noong Enero taong 2020 hanggang ngayong buwan, Pebrero 2023.

“From January 2020 to February pa lang of 2023, meron na ho tayong kabuuang P66.3 billion na naibayad for COVID claims,” anang nasabing opisyal.

Nang tanunungin naman si Baleña ukol sa sakop na COVID-19 benefits na hatid ng state insurer, sinabi niyang nagsisimula ang suporta ng PhilHealth sa RT-PCR at rapid antigen test packages.

“Meron po tayong mga pakete diyan at covered po natin ‘yan. At ang sinusunod po natin na panuntunan para sa mga kababayan nating qualified sa PhilHealth coverage for testing ay iyon pong panuntunan o guidelines ng PhilHealth padating sa mga at risk groups,” sabi ng naturang opisyal sa isang virtual townhall forum na inorganisa ng Departmment of Health.

Nagbibigay din ng coverage para sa RT-PCR test mula sa P800 hanggang P2,800, habang P500 naman sa rapid antigen test, aniya.

Samantala, ang community isolation package ay may kabuuang P22,449 na halaga ng masasaklaw ng PhilHealth, habang P5,917 naman para sa mga home isolation.

Sakaling ma-confine sa ospital, ang coverage ay nakadepende sa sitwasyon ng COVID-19 patient.

P43,997 para sa mild pneumonia at P786,384 naman para sa may critical pneumonia, anang opisyal.

Leave a Reply