By Frances Pio
––
Nagpatuloy ang mga international flight sa Kalibo International Airport na nagsisilbing gateway sa sikat na Boracay Island sa Aklan sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit dalawang taon.
Inanunsyo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Kalibo na ipinagpatuloy ang direct international flights sa airport nang lumapag ang isang Air Seoul flight mula Incheon, South Korea noong Biyernes ng gabi.
“Hala Bira! and a warm welcome back!” sinabi ng CAAP-Kalibo sa isang Facebook post.
Sinimulan ni Aklan Gov. Florencio Miraflores noong nakaraang Disyembre ang panukalang pagpapatuloy ng mga international flights sa Kalibo Airport.
Ngunit naging hadlang ang banta ng Omicron variant ng Covid-19. Wala ring nangyari noong Pebrero 10 nang payagan ng pambansang pamahalaan na bumisita sa bansa ang mga dayuhang turista na fully-vaccinated.
Ang mga dayuhang turista na gustong pumunta sa Boracay Island sa Malay ay kailangan pang lumipad patungong Maynila at sumakay ng connecting flight papuntang Kalibo Airport.
Ang mga direct international flight ay nakikitang magdadala ng mas maraming turista mula sa South Korea na kabilang sa mga nangungunang foreign tourists na bumibisita sa pinakasikat na destinasyon na beach ng bansa.
Nasa 2,439 na dayuhang turista lamang ang bumisita sa Boracay mula Hunyo 1 hanggang 15.
Bukod sa South Korea, mayroon ding mga direktang flight mula sa China at Taiwan bago ang pandemya na nagsimula noong Marso 2020.