By Christian Dee
MAYNILA – Isang pagdinig sa National Bureau of Investigation ang nakatakdang isagawa nitong Lunes ng umaga, Pebrero 13, ukol sa imbestigasyon laban sa Flex Fuel Corporation kung saan dawit si Luis Manzano ngunit hindi dumalo ang kanyang abugado.
Dating chairman of the board at dating co-owner si Manzano ng nasabing kumpanyang inirereklamo sa kasong estafa.
Natanggap ng abogado ng aktor at TV host ang subpoena noong Biyernes ngunit hindi ito nakadalo ngayong araw.
Ipinaliwanag ng kampo ni Manzano sa pamamagitan ng sulat na ipinadala ng messenger ng law firm na nagrerepresenta sa kanya na kasalukuyan pa nilang sinusuri ang ebidensya tungkol sa naturang reklamo.
Humingi rin ang panig ni Manzano ng labinlang araw na extension para makapagsumite ng ebidensya.
Sa ngayon, nasa 50 na ang bilang ng mga co-owners ang naghain ng reklamo laban sa pamunuan ng kumpanya at kay Manzano dahilan ang umanong kulang na dibidendong nakukuha mula sa Flex Fuel.
Enero naman nang nagsimula ang pagsasampa ng reklamo.
Matatandaang nagpaliwanag na rin si Manzano na humingi na siya ng tulong sa NBI para maibestigahan ang kumpanya noong Setyembre.
Nobyembre naman nang maghain ang aktor ng reklamo dahil sa utang umano ng kumpanya sa kanya na nagkakahalagang P66-milyon.
Ang Flex Fuel, itinanggi ang mga paratang sa pamamagitan ng isang pahayag. Giit nito, hindi sila nanloloko at sinisiraan lamang daw sila ng ilang mga shareholders ng kumpanya.