Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Umabot sa 100 bahay ang nilamon ng malaking sunog na nangyari kahapon, Pebrero 12, sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong.

Tinatayang 300 pamilya naman ang naiulat na apektado mula sa insidente.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection, bandang alas-6 ng umaga nang magsimula ang sunog, oras nang makarinig ng pagsabog sa Block 32 Extension sa naturang barangay.

Matapos ito, mabilis na nilamon ng apoy ang isang bahay na gawa sa kahoy.

Ayon sa fire marshal ng Mandaluyong City na si FSupt. Nazrudyn Cablayan, mabilis kumalat ang apoy dahil magkakadikit ang mga tahanang gawa sa kahoy.

Hindi umubra ang pagtutulungan ng mga magkakapitbahay para sana apulahin ang apoy at dumating din ang mga bumbero para rumesponde.

Ani Cablayan, nahirapan ang mga bumbero sa pagresonde dahilan ang masisikip na eskinita sa lugar, bagama’t mabilis namang nakaresponde ang mga nagboluntaryo kaya hindi gaano kumalat.

“Kung mapapansin natin ang area na involved is mga light materials, ma­liliit po ang mga eskinita na mahirap pasukin. Ang kagandahan lang, dumating ang mga volunteers natin at hindi na kumalat,” aniya.

Umabot sa ikalimang alarma ang nangyaring sunog pero naideklara ding fire under control dakong alas-8:34 ng umaga.

Tuluyan namang na-control ang sunog bandang alas-9:32 ng umaga.

Daan-daang pamilya man ang naapektuhan, wala namang naitalang binaiwan ng buhay o sugatan sa sunog.

Base sa inisyal na pagtataya ng naturang kawanihan, nasa P8-milyon ang halaga ng mga nasunog.

Ilang residente naman ang bumabalik sa lugar para mangalakal ng mga gamit na maari pang maibenta.

Nananawagan din ng tulong ang mga residenteng apektado sa sunog dahil walang naisalba ang karamihan.

Anang City Social Welfare Office, marami silang natatanggap na mga pagkain bilang donasyon para sa mga nasunugan pero mas kailangan din ng mga biktima ng mga damit.

Leave a Reply