By Christian Dee
MAYNILA – Muling inaresto ang kilalang supplier ng shabu matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Western Bicutan, Taguig City nitong Miyerkoles, Abril 12.
Hinihinala ring notoryus na supplier ng naturang ipinagbabawal na droga sa Pateros, Taguig at Muntinlupa City ang inarestong suspek.
Arestado ang suspek, na itinuturing ding high-value individual, nang pagbentahan niya ang nagkunwaring buyer ng P400,000 halaga ng isang plastic ng hinihinalang shabu.
Nakumpiska rin umano ang isa pang plastic ng hinihinalang ilegal na droga na sa kabuuan ay aabot sa P6.8 milyon ang halaga ng mga nasabat.
Dati na ring nakasuhan ang suspek kaugnay ang ilegal na droga, ayon kay Southern Police District Director P/Brig. Gen. Kirby Kraft, pero nakalaya ito mula sa pagkakakulong dahil sa plea bargaining agreement.
Patuloy naman ang mga awtoridad sa operasyon upang matukoy ang utak sa pagpapatakbo ng ilegal na droga at kinabibilangang grupo nito.
