By Christian Dee
MAYNILA – Ipinag-utos na ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206 ang pag-aresto sa dating hepe ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag.
Ito ay may kaugnayan sa pagkamatay ni Jun Villamor, ang inmate na hinihinalang middleman sa pagpatay sa beteranong mamamahayag na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Kasama sa ipinaaaresto ng naturang Korte ang deputy ni Bantag na si Ricardo Zulueta, base sa warrant of arrest na inilabas nitong Miyerkoles, Abril 12.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 248 ng Revise Penal Code o murder sina Bantag at Zulueta.
Kinasuhan din ng justice department prosecutors sina Bantag at Zulueta ng dalawang bilang ng murder.
Non-bailable o hindi maaring mapiyansahan ang kasong kinakaharap ng dalawang dating opisyal ng BuCor, base sa arrest warrant na inisyu ni Judge Gener Gito.
Matatandaang kinilala si Villamor ng isang confessed gunman na si Joel Escorial bilang nag-hire sa kanya upang paslangin si Lapid.
Noong Oktubre 2022, nabanggit ni Escorial na ang utos para patayin ang naturang mamamahayag ay galing sa Bilibid at kalaunan, ibinalita ring patay na si Villamor.
