By Christian Dee
MAYNILA – Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpopondo para sa pagpapatayo ng bagong headquarters ng Commission on Elections (COMELEC) sa Pasay City.
Ipinasa na ng DBM sa COMELEC ang dokumentong magbibigay-daan sa poll body na matupad ang matagal nang pangarap na makapagtayo ng isang gusali ng opisina.
Labing-anim na taon nang nangungupahan ang COMELEC sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila. Sa kasalukuyan, ang naturang Komisyon na lamang ang katangi-tanging konstitusyonal na opisina sa bansa ang nananatiling walang sariling gusali.
Base sa multi-year contractual authority (MYCA) ng DBM na ibinahagi ni COMELEC spokesperson John Rex Laudiangco, mahigit P8.39-bilyon ang nakabukod nang pondo para sa pagpapatayo ng bagong headquarters ng opisina.
Ang mga sumusunod ay ang paglalaan ng pondo para sa pagtatayo ng building ng COMELEC mula ngayong taon hanggang 2025:
2023: P1.248 billion
2024: P3.713 billion
2025: P3.429 billion
Nagpasalamat naman si Laudiangco sa Office of the President, Kongreso, DBM at sa Department of Public Works and Highways sa pagtulong nitong makamit ang pangarap ng COMELEC na magkaroon na ng “permanent home.”
