By Christian Dee

MAYNILA – Tumama ang 5.1 magnitude na lindol nitong Linggo ng gabi, Enero 15, sa probinsya ng Leyte at nag-iwan pa ng pinsala ang pagyanig sa naturang lugar.

Walong indibidwal ang nasugatan matapos mabagsakan ng mga natumbang debris dulot ng pagyanig sa nasabing lalawigan pasado alas-8 ng gabi ayon sa impormasyon mula sa Minicipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Leyte.

Sa barangay hall sa Barangay Consuegra, nakita ang bitak sa dingding dulot ng naranasang lindol.

Sa isang kalsada naman sa Barangay Ugbon sa bayan ng Leyte, nakita rin sa isinagawang assessment ng MDRRMO na nagkaroon ng mahabang bitak.

Bukod pa rito, may napinsala din sa isang simbahan. Nahulog ang imahen ng Sto. Niño dahilan ang pagyanig at bumagsak ang ilang bahagi ng kisame at nasira pa ang poste nito.

Isinuspinde naman ang klase ng mga estudyante sa lahat ng antas at pasok sa trabaho sa lugar ngayong Lunes para sa pagtatasa sa bayan ng Leyte.

Leave a Reply