By Christian Dee
MAYNILA – Isiniwalat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Lunes, Marso 13, na hindi niya natapos ang kanyang Special Diploma in Economics sa University of Asia and the Pacific (UA&P) sa Pasig City.
Ang pagsisiwalat ng pangulo ay naganap sa paglalagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Malacañang.
“And so, I thank of course Anthony – Anthony is known to me because we were classmates together. We were studying economics actually, Asia Pacific,” ani Marcos sa kanyang talumpati habang pinasasalamatan si NGCP president and CEO Anthony Almeda.
“Pareho kaming hindi nagtapos. But I know him well and I’m happy that he has taken the lead in this,” dagdag pa niya.
Matatandaang kinuwestiyon ang ilang educational credentials ni Marcos magmula noong kampanya sa pagkapangulo noong 2022.
Kabilang sa kanyang profile sa Senado na nakakuha siya ng Special Diploma in Social Studies mula sa Oxford University sa England mula 1975 hanggang 1978 at nakapag-enroll sa Wharton School of Business para sa Master of Business Administration noong 1979.
