By Christian Dee

MAYNILA – Patay ang isang senior citizen na babae matapos paluin sa ulo ng kanyang sariling anak. Ang labi ng biktima, natagpuan sa Bulacan.

Base sa paunang imbestigasyon, Marso 4 nang pinalo ng 28-anyos na lalaki ang kanyang 67-anyos na ina sa ulo gamit ang kahoy sa Pasig City.

Bagama’t sa naturang lungsod man nangyari ang insidente, natagpuan ang bangkay ng biktima sa Barangay Matictic, Norzagaray, Bulacan.

Nakita naman sa closed-circuit television (CCTV) noong Marso 6 ang isang kuha kung saan makikitang may inilalabas na isang storage box ang suspek mula sa kanilang bahay.

Nangamoy ang labi ng biktimang itinapon sa liblib na lugar sa naturang lalawigan at iniulat naman din ito ng residente noong Marso 11.

Natagpuan ng mga tanod sa lugar ang isang puting storage box na nakabalot sa tape, base sa ulat.

Nang buksan ito, natagpuan ang nangangamoy na bangkay ng biktima.

Lumalabas sa autopsy na pinukpok gamit ang matigas na bagay ang ulo ng biktima na siyang nagdulot ng pagkamatay nito.

Kasalukuyan pa ring inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pagpatay.

Leave a Reply