By: Frances Pio
––
Habang si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ay abala sa paghahanda ng mga ospital, pag-iimbak ng mga gamot, at nagsasagawa ng malawakang pagbabakuna sa gitna ng bagong pagtaas ng mga kaso ng Covid-19, ang mga volunteers mula sa Lungsod ng Maynila ay patuloy na nagsasagawa ng mga relief operation sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo sa Visayas, Mindanao at Palawan.
Noong Huwebes, ang asawa ni Mayor Isko na si Dynee Domagoso ay nagtungo sa Southern Leyte upang mamigay ng mga relief packs sa mga apektadong residente ng Barangay Tampoong sa bayan ng Sogod at Barangay Cabulihan sa bayan ng Maasin.
Sa bayan ng Sogod, mainit na sinalubong si Ginang Domagoso ni Sogod Mayor Emi Tan. May tarpaulin pa sa pagsalubong kay Ma’am Dynee Domagoso na may katagang: “Ang nag-iisang asawa ni Isko Moreno.”
Libu-libong residente ang nagtungo sa multi-purpose covered court sa Barangay Tampoong upang tanggapin ang mga relief packs mula kay Ginang Domagoso. Nauna nang nagpadala ang Lungsod ng Maynila ng mga relief packs sa bayan ng Sogod matapos ang pananalasa ng Bagyong Odette.
“Personal ko pong gustong makita ang inyong kalagayan at napakasuwerte ko po dahil kahit papano nasa maayos kayong kundisyon. Napakagaling ng inyong mayora at napakagaling ng kanilang pamilya dahil hindi nila kayo pinapabayaan,” ika ni Mrs. Domagoso.
Kinalaunan ay sinamahan ni Mayor Tan si Ginang Domagoso sa pag-inspeksyon sa nasirang sea wall sa Barangay Tampoong.
Nauna nang nagtungo si Ginang Domagoso sa Bohol at Antique para iabot ang mga relief goods na binubuo ng food packs at bottled water sa mga apektadong residente bilang bahagi ng “Operation Tabang” ng Team Isko Moreno para sa mga naapektuhan ng Bagyong Odette.
Sa Cebu, patuloy na tinutulungan ng mga volunteer mula sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga residenteng wala pang malinis na suplay ng tubig.
Noong Martes (Ene. 4), nag-supply ng tubig ang MDRRMO Kaagapay Tanker sa Metro Level sa Barangay Apas at noong Miyerkules (Ene. 5), sa Barangay Maracas sa pakikipag-ugnayan sa Cebu City Fire Volunteers. Ang Kaagapay Tanker ay pinatatakbo ng Firemen volunteers na sina Romeo Velasco Jr., Jim Macasaquit, Carlo Cuilao at Rommel Allada.
Ang isa pang MDRRMO team na gumagamit ng Aison Rescue, Manlift basket ang namamahala sa pagputol ng mga natumbang puno sa Barangay Cubacub, Mandaue City. Ang grupo ay binubuo nina Jose Marie Apolonio, Cardo Dalisay, Paul Bryan Maglunob Chow, Jonel Tunacao, Joseph Michael Castro, Gemorskie Saldana at Henry Ferrer.
Nagsagawa rin ng relief operations ang Operation Tabang Team sa pangunguna ni Dale Evangelista sa Agusan del Norte, Surigao del Norte, at Palawan na may libu-libong food packs na ibinigay sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng Bagyong Odette.
Nagsagawa rin ng relief operations sa Puerto Princesa, Palawan. Noong Enero 3, ipinamahagi ang mga relief packs sa Barangay Langonan, Binduyan, Concepcion, Tanabag, San Rafael, Babuyan, Maoyan, Lucbuan at Maruguyon. Namahagi din ng mga relief goods sa Barangay Manalo at Salvacion kinabukasan, Enero 4.
Sa Surigao City, ipinamahagi ang mga temporary shelter tents at relief packs noong Lunes sa iba’t ibang evacuation centers kabilang ang Kaskag Gym sa Barangay Washington -30 pamilya; Gawad Kalinga sa Barangay Luna – 30 pamilya, at Nueva Gym sa Barangay Taft – 30 pamilya.
Sa Surigao del Norte, ipinamahagi ang mga temporary shelter tents noong Martes sa dalawang island barangay: Barangay Talisay, 20 piraso at Barangay San Jose, 15 piraso.
Noong nakaraang linggo, ipinamahagi ang mga relief packs ng Team Isko Moreno sa Barangay Cambagahan, at Tamiso sa Bais City, Negros Oriental.
Nauna nang nagpasalamat si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga empleyado ng city hall at MDRRMO volunteers na nagbigay ng kanilang oras at pagsisikap para tumulong sa relief efforts at clearing operations sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong “Odette” na nanalasa sa Central Visayas at Northern Mindanao halos tatlong linggo na ang nakararaan.
