By: Aj Lanzaderas Avila
Nakunan sa camera ang pagiging emosyonal ni presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno habang ipinapamahagi niya ang mga housing units sa mga benepisyaryo ng Manila Tondominium Project sa Vitas, Tondo Manila, isang mahirap na komunidad sa lungsod kung saan lumaki ang ngayo’y alkalde.
Aniya, isa itong “human moment” para sa kanya dahil ang Tondominium ay ang kaunaunahang vertical housing project na natapos sa ilalim ng kanyang pamumuno, at ang pangyayaring ito ay nagpabalik sa mga alaala ng kanyang kabataan nung siya ay nanirahan sa Tondo kasama ang kanyang kargador na ama at ina na labandera.
“Nangarap din ako nang sariling mauuwian, umulan o bumagyo, magkaroon ng delubyo , magdildil man kami ng asin, at least yung bahay ay amin,” sinabi ni Moreno sa mga benepisyaryo na nabigyan ng housing unit.
Ang Tondominium I ay may dalawang 15-palapag na gusali, bawat isa ay mayroong 168 two-bedroom units. Bawat unit ay may lawak na 44 metro kuwadrado, dalawang bedroom, isang silid-kainan, kusina, banyo, at sala. Kasalukuyan namang ginagawa ang Tondominium II.
Ang pabahay ay isa sa mga pangunahing layunin ni Moreno bilang alkalde ng lungsod ng Maynila para sa mga mahihirap na Manileño na karapat-dapat mabigyan ng disenteng pabahay at ipinangakong palalawakin ang mga ganitong proyekto sa buong bansa. Ayon kay Moreno, ito ay magiging isang makabuluhang bahagi ng kanyang pambansang programa kung siya ay mahahalal na pangulo sa darating na Mayo 2022.
