By: Aj Lanzaderas Avila

Sinabi ni presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na kung sakaling siya ang mahahalal bilang pangulo ng bansa, kanyang sosolusyunan ang matagal nang problema ng bansa sa kahirapan, kagutuman, kawalan ng trabaho, hindi pagkakapantay-pantay, at kawalan ng hustisya sa lipunan sa pamamagitan ng pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga tao tulad ng pabahay, edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, at trabaho.

“I do believe the minimum basic needs. When we address housing, education, health care and jobs, this will alleviate the status, ang kalalagayan ng ating bayan,” sinabi ni Moreno sa naganap na Presidential One-on-One Interviews sa programa ng entertainment host na si Boy Abunda.

“That’s why since time immemorial nung ako’y mag-gobyerno, eto na ang tinutukan ko. Nung ako’y mag-alkalde, yun ang ginagawa ko lahat. Pabahay, eskwelahan, ospital, trabaho,” ipinunto ni Moreno.

Ayon kay Moreno, ang kanyang ginawa sa lungsod ng Maynila ay isang napakagandang halimbawa upang maintindihan ang kanyang plano para sa bansa.

Kabilang sa mga kahanga-hangang proyekto sa imprastraktura ni Moreno sa kapitolyo ng Pilipinas, ang anim na vertical housing projects para sa mga informal settler na may taas na 15 hanggang 20 na palapag, tulad ng Tondominium at Binondominium, na ang ilan ay may mga swimming pool at fitness center.

Mayroon ding tatlong modernong gusali ng pampublikong paaralan na itinatayo na may taas na 10 palapag, na nilagyan ng humigit-kumulang 200 airconditioned na silid-aralan, basketball court, gym, at roof deck.

At ang bagong pinasinayaan na 10-palapag na Bagong Ospital ng Maynila na may 384-bed capacity, 12 intensive care units (ICUs), at 20 pribadong silid. Mayroon din itong tatlong palapag na parking building at isang helipad para sa mga emergency medical evacuations.

Lahat ng mga proyektong ito ay ginawa sa ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa liderato ni Mayor Isko Moreno.

Ayon kay Moreno, ang kanyang mga infrastracture projects ay hindi lamang lumikha ng mga direktang trabaho at kita, ngunit sinusuportahan din ang ilang mga industriya tulad ng semento, bakal, quarry at gasolina.

“So you must be aggressive. That is why when I said I will continue the build, build, build of President Duterte, but build more schools, build more hospitals, build more housing. Because this will generate jobs and stimulate our economy, and this creates opportunities to business and to the people,” ani Moreno.

“That’s why when I said about a few weeks ago, a peso spent in Metro Manila doesn’t give us any growth. The same peso that I’m going to spend in terms of development in Metro Manila, I will spend it in the far-flung areas because it will generate more economic growth and opportunities in the provinces,” dagdag pa niya.

Maliban sa pagpapatayo ng mga karagdagang gusali sa mga pampublikong paaralan,mga ospital, at pabahay, ipinangako rin ni Moreno ang pagpapatayo ng mga tulay na magkokonekta sa mga pangunahing isla sa Pilipinas na makakatulong sa mabilisang palitan ng produkto at serbisyo, at makakatulong rin sa turismo.

Upang higit na maibsan ang kalagayan ng masa at protektahan ang mga industriya, nangako rin si Moreno na makikipagtulungan nang malapit sa Kongreso para bawasan ang buwis sa dalawa sa pinakapangunahin pinagkakagastusan ng taumbayan – petrolyo at kuryente.

“You have to create more FDIs.  If you create more foreign direct investments, then it will generate more opportunities. At the rate we’re going about $4 billion, yung mga neighboring countries natin, $13 billion, $30 billion. Why? Napakamahal ng gasoline natin, napakamahal ng kuryente natin,” saad ni Moreno.

Ang Aksyon Demokratiko presidential aspirant ay nagtala rin ng mga solusyon sa iba pang partikular na problema na kumukubkob sa bansa, ngunit para kay Mayor Isko, walang anumang pangako o slogan ang makakalutas sa mga sakit ng bansa nang walang pagsusumikap.


“Oo nga pala, wala akong slogan. Kasi ang slogan hindi naman yan gumagamot sa problema ng tao. In fact ang tawag ko dyan ‘poverty porn,’ yung ginagahasa mo yung kahinaan ng tao,” ani Moreno.

“Ako, sa dami ng problema, sa bilis ng problema, kailangan natin ng mga tunay na solusyon at mabilis na aksyon. That, I can do in my own little way,” dagdag pa niya.

Leave a Reply