By: Margaret Padilla

Kinumpirma ni Hans Leo Cacdac, ang administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sa TeleRadyo ngayong Martes na ipapamahagi ang tulong ngayong linggo sa mga overseas Filipino workers na apektado ng COVID-19 lockdown sa Shanghai, China.

“Pagkain po ang ating maidi-distribute kasi ‘yan po ang pinakamatinding pangangailangan sa ngayon,” aniya. 

Nang ipatupad ng gobyerno ng China ang citywide lockdown sa pangunahing financial center ng China dahil sa zero-tolerance approach nito sa pandemic management, hindi nagtagal, nagsimulang humingi ng tulong ang mga overseas Filipino workers (OFW) sa Shanghai dahil diumano, hindi sila nakapaghanda. 

Ayon sa Business Mirror, mayroong humigit-kumulang 4,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang nakatira at nagtatrabaho sa Shanghai.

Iniulat ng China ang 3,529 na bagong kaso ng Covid-19 noong Linggo at 22,626 na bagong kaso ng asymptomatic noong Sabado, na karamihan ay nangyari sa Shanghai.

Maraming residenteng Tsino at dayuhan sa Shanghai ang dismayado nang pumasok ang lungsod sa ikatlong linggo ng lockdown dahil sa kahirapan sa pagkuha ng pagkain, gamot, at iba pang mahahalagang supply.

Sa panayam ng ANC News, ibinunyag ng isang Pinay na mabilis silang naubusan ng pagkain dahil sa kakulangan sa paghahanda kaya napilitan na lamang silang irasyon ang anumang mayroon sila.

Isa pang OFW na nagtatrabaho sa isang restaurant ang nagsabi sa ABS CBN News na hinihiling niya na pabilisin ng gobyerno ng Pilipinas ang paghahatid ng tulong.

“Sana po e mapabilis ang ayuda kasi almost one month na po kaming walang pasok tapos no work, no pay. So ‘yan ang pinoproblema namin,” ang kanyang pakiusap. 

Samantala, inumpirma ni Consul General Josel Ignacio na under lockdown rin ang Philippine Consulate General sa Shanghai. Ang mga kawani nito sa opisina ay naconfined din sa kanilang mga tahanan.

“Ito ay isang mahirap na lockdown. Kami ay humaharap sa mga pagtatanong o mga kahilingan para sa tulong. “Ginagawa namin ang aming makakaya upang tumulong, at ginagawa namin ang lahat ng pagsisikap upang tumugon sa bawat isa,” paliwanag ni Ignacio.

Leave a Reply