By Christian Dee

MAYNILA – Matapos ang mahigpit na restriksyon sa mga sinehan dulot ng pandemya, muli nang nagbabalik ang Metro Manila Film Festival at ang parada nito ngayong taon.

Nitong Miyerkoles, Disyembre 21, lumibot sa 7.4 km na ruta sa Quezon City ang mga naggagandahang floats ng walong pelikulang ilulunsad at ipalalabas sa darating na Kapaskuhan.

Mainit namang sinalubong ng mga tagahanga ang mga artista nang muling masaksihan ang Parade of Stars.

Kabilang sa mga nasilayan sa parada sina Vice Ganda at Ivana Alawi na parehong bibida sa pelikula na pinamagatang “Partners in Crime.”

Kasama ng nasabing pelikula ang iba pang mga MMFF entries na “Deleter,” “Family Matters,” “Mamasapano: Now It Can Be Told,” “My Father, Myself,” “Nanahimik ang Gabi,” “Labyu with an Accent,” at “My Teacher.”

Magsisimula ang ika-48 MMFF na may temang “Balik Saya” sa darating na Disyembre 25 at mapapanood sa mga sinehan ang entries hanggang Enero 7, 2023 sa buong bansa.

Pinasalamatan naman ni MMDA Acting Chairman at MMFF Over-all Chairman Atty. Romando Artes ang mga tagahanga dahil sa mainit na pagpunta ng mga ito sa parada.

Maraming, maraming salamat po sa pagpunta ninyo dito sa parada ng mga artista. Sana po kung ano ang init ng pagpunta ninyo dito ay ganoon din po ang gawin natin at panoorin po natin ang lahat ng kalahok sa Metro Manila Film Festival 2022,” ani Artes.

Pinangunahan ni Artes, kasama sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, at MMDA General Manager Procopio Lipana, ang opening ceremony para sa pagsisimula ng parada.

Leave a Reply