Sinalanta ng Bagyong Maring ang Hilagang Luzon noong nakaraang Linggo at nag-iwan ng malaking pinsala sa mga bayan. 40 ang kumpirmadong namatay, 11 ang nawawala at 5 ang nasaktan.
Maraming lugar ang isinailalim sa state of calamity dahil sa pinsalang dinulot ng bagyo. Ang mga lalawigan ng Ilocos Sur, La Union, at 22 bayan ang isinailalim sa state of calamity.
Patuloy ang pagdagsa ng tulong sa mga nasalanta. Nauna nang nagpahatid ng tulong si Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa mga lugar sa mga probinsya ng Ilocos, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Nagpaabot din ng tulong ang Office of the Vice President sa Cagayan, Isabela, Benguet, at La Union.
Nagpapatuloy ang relief operation ng Philippine Red Cross para sa mga nasalanta ng bagyo. Walang tigil ang kanilang recovery operations at paglilikas ng mga residente sa mga lugar.
Umabot na sa 6 milyong piso ang natanggap na in-kind donation ng La Union na ipinamahagi sa mga nasalanta. Ayon kay La Union provincial information officer Adamor Dagang, galing sa mga sektor, indibidwal, at pambansang pamahalaan ang mga donasyon.
“The donations include food, beverages, medicines, disinfectants, hygiene kits, and personal protective equipment. These are being augmented to the relief packs given to different municipalities unless the donation was already packed before given to the provincial government,” Ayon sa kanya.
Ang probinsya ng Ilocos Sur na ikalawang lalawigan na sumailalim sa state of calamity noong Lunes, Oktubre 18, ay humingi ng karagdagang tulong upang mapaabot sa mga residente. Umabot ang pinsalang natamo ng probinsya sa agrikultura sa 671 milyong piso at 1.6 bilyong piso naman sa imprastraktura. (By: Frances Pio)
