––
Pinasalamatan ni Senatorial candidate Loren Legarda ang walang humpay na suporta sa kanya ng mga Dabawenyo sa isang UniTeam Rally na isinagawa sa Davao del Norte nitong Miyerkules.
Sa muling paghingi ng suporta sa mga Dabawenyo, kanyang inilatag ang mga batas na nais niyang isulong sa Davao Region. Ayon sa dating Senadora, tinitiyak niya ang paglago ng ekonomiya, edukasyon, kalusugan, at pagpapaunlad ng imprastraktura sa rehiyon sakaling manalo sa pagkasenador sa Mayo 9.
Naniniwala si Legarda na trabaho at kabuhayan ang pinakamabisang paraan upang makabanganon ang mga Pilipino mula sa pandemya. Iginiit niyang patuloy siyang nakikipagtulungan sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang suportahan ang mga programang nagpapalakas sa ekonomiya ng bansa.
Kabilang dito ang kanyang pagpondo sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Barangay Kabuhayan Skills Training Program (BKSTP), Training for Work Scholarship Program (TWSP), at Special Training for Employment Program (STEP), na nagbigay benepisyo sa libu-libong Dabawenyo trainees simula 2017, gayundin ang pagpapatupad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Naglaan din ng pondo si Legarda para sa proyekto ng Department of Public Works and Highway (DPWH) na naging daan para sa pagpapatayo ng Tagum Fly Over sa Tagum City, at Montevista-DNAS Road sa Compostela Valley, na kilala ngayon bilang Davao de Oro.
Pinondohan din ng dating Senador ang rehabilitasyon ng Bunawan at Buhangin District Hall sa Davao City at ang pagpapatayo ng bagong gusali na kinaroroonan ng Social Services and Development Office sa lungsod.
Bukod pa rito, tumulong din si Legarda sa pagbigay ng de-kalidad na edukasyon sa rehiyon. Nagbigay siya ng pondo para sa pagpapatayo ng mga multi-purpose na gusali sa Compostela Valley State College sa Montevista, New Bataan, Maragusan, at Compostela Main Campus. Sinuportahan din niya ang Tulong Dunong Program ng Commission on Higher Education (CHED), na nagbigay ng scholarship sa 150 estudyante noong 2016-2017.
Upang mapanatili ang pangangalaga ng kultura at kasaysayan ng Davao Region, naglaan si Legarda ng pondo sa konstruksyon ng Pambansang Museo sa Davao City. Para naman makatulong sa pananatili ng kultura ng bansa, pinondohan ni Legarda ang pagpapatayo ng Mandaya language marker sa Mati, Davao Oriental.
Pinalakas din ni Legarda ang suporta para sa local textile industry upang lumago ang kita ng bawat miyembro ng mga textile community sa bansa. Tulad ng Eman Handweavers Association mula sa Bansalan, Davao del Sur, na nakatanggap ng tulong para sa konstruksyon ng Natural Dyeing Facility at ang Tribal Women Weavers Association, na nakatanggap naman ng tulong upang makapagpagawa ng Regional Handloom Weaving Innovation Center.
Bilang patron ng Hibla ng Lahing Pilipino, ang unang permanent textile gallery sa bansa, nagbigay si Legarda ng venue para sa mga Mandaya mula sa Barangay Sangab, Davao Oriental, upang ipakita ang kanilang mga talento, kasaysayan, at pamana sa paghahabi sa isang weaving demonstration sa National Museum.
Isinusulong din ni Legarda ang Schools of Living Traditions (SLT), na kinabibilangan ng B’laan Sangir sa Davao Occidental, komunidad ng Ata sa Davao City, Mangguangan/Dibabawon sa Davao del Norte, Mandaya sa Davao Oriental, at Bagobo Tagabawa sa Davao del Sur.
Pangunahing akda ni Legarda ang Expanded National Integrated Protected Areas System Act of 2018 (ENIPAS) na naging daan para mas maproteksyunan at mapangalagaan ang mga natitirang protektadong lugar sa bansa tulad ng Aliwagwag Protected Landscape sa Davao Oriental at Davao de Oro, ang Mati at Pujada Bay Protected Landscape and Seascape na parehong nasa Davao Oriental.
“Throughout the pandemic, we were confronted with complex problems that need a comprehensive solution,” sabi ni Legarda.
“We must acknowledge that the right pathway to a better normal or pandemic recovery is through economic empowerment, which can only be achieved if we invest in the country’s economic, social, environmental, and infrastructure development through a multi-sectoral collaboration.”
