Nangako si Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga magsasaka sa Tarlac na susuriin niyang mabuti ang mga isyu sa konstruksyon ng nakabinbing Balog-Balog Multipurpose Project (BBMP) kung siya ang mauupong pangulo ng bansa.
Sinabi ito ng presidential aspirant noong araw ng Huwebes, sa isang pagpupulong kasama ang mga magsasaka, mangingisda, at agricultural workers sa Barangay Banaba sa Tarlac City.
“Gaano na katagal pinangako yung Balog-Balog? May pinapangako ang mga politiko noong araw, noong unang panahon. Bilog-bilog ang nakuha niyo,” ani Moreno.
Noong 1992, iminungkahi ng National Irrigation Administration (NIA) ang pagpapagawa sa Balog-Balog project na pinapaniwalaang makakatulong sa irigasyon ng mahigit 34,410 ektaryang lupang sakahan sa 10 munisipyo sa probinsya ng Tarlac.
Mahigit 23,000 na magsasaka at kanilang mga pamilya sa mga munisipyo ng Capas, Concenpcion, La Paz, Paniqui, Pura, Victoria, Ramos, Gerona, San Jose, at Tarlac City ang inaasahang makikinabang sa proyekto.
Nakatakda sanang matapos ang Phase 2 ng konstruksyon ng P5.863-billion Balog-Balog storage dam project, Hunyo noong nakaraang taon, ngunit inurong ito ng NIA buwan ng Hunyo ngayong taong 2021.
Ayon sa NIA, naantala ang konstruksyon ng dam matapos i-blacklist ng ahensya ang contractor ng proyekto noong Pebrero dahil umano sa pagkabigong tugunan at sumunod sa kanilang contractual obligations.
Sa ngayon, 30% pa lamang ng proyekto ang nakukumpleto matapos ang taong 2020.
“Ayaw ko kayong pangakuan kasi mukhang nadala na kayo sa Balog-Balog. I will look into it so that we can empower 34,000 hectares of land in Tarlac to be irrigated by that dam. We’ll cross the bridge when we get there,” sinabi ni Moreno.
Iginiit ni Moreno na handa siyang maglaan ng mas malaking pera para sa proyekto dahil ito ay mas kapakipakinabang kaysa sa paggastos ng P8-bilyon para sa “overpriced” na mga face mask, personal protective equipment (PPE) set, at Covid-19 test kits.
“Akalain mo, face shield P8 billion. E kung dam na lang ang itinayo, di may tubig na kayo,” pagdiin ni Moreno.
“If we believe that food security is the number one threat to national security, then ang government hindi dapat maging kwidaw, dapat walang agam-agam na gumastos para masigurado na may makakain ang bawat Pilipino. And the only way to do that is to continue to listen on the situation nung mga nagpo- produce ng pagkain,” dagdag pa niya.
(By: Aj Lanzaderas Avila)