By Christian Dee
MAYNILA – Isyu sa seguridad ng pagkain at enerhiya ang mga isyu na itataas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpupulong ng mga Economic Leaders sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).
Ang nasabing pagpupulong ay gaganapin sa Bangkok, Thailand sa susunod na linggo. Inanyayahan nang personal ni Thai Chargé d’ Affaires Thawat Sumitmor ang pangulo na dumalo sa APEC Summit.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Eric Gerardo Tamayo, ipananawagan ni Marcos Jr. ang mga nasabing isyu at ang matatag na pagtugon ng APEC sa pagsubok sa implikasyon ng climate adaptation.
Sinabi rin ni Tamayo na isusulong ng pangulo ang pagpapasigla ng APEC bilang “driver of global economic growth.”
Tinuturing na “driver of global economic growth” ang rehiyon ng Asia-Pacific, ayon sa opisyal, ngunit naapektuhan ito ng pandemya, COVID-19.
Giit naman ni Tamayo, “So, the challenge before us is to facilitate the rapid recovery of economies arising out of the pandemic and also to undertake the necessary measures to also counter, disrupt the forces that affect the current economic situation around the globe.”
Ang nasabing pagpupulong ay unang beses na gaganapin sa personal simula 2018.