By: Margaret Padilla
Hinikayat ng Philippine National Police ang mga tao na bumisita nang maaga sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay upang maiwasan ang pagdagsa ng maraming tao sa mga sementeryo sa pagdiriwang ng “Undas,” o All Saints’ and All Souls’ Day.
“Sa darating na Sabado, Linggo at Lunes ang pinakamagandang araw na dapat isaalang-alang kapag nagpaplanong bumisita sa mga sementeryo, memorial park, columbaria at iba pang holiday places of convergence para maiwasan ang pagsisikip,” sabi ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa isang pahayag.
Sa pagpaplano para sa iba’t ibang aktibidad, pinaalalahanan ni Azurin ang publiko na isaalang-alang ang oras ng pagpapatakbo, ruta ng trapiko, kondisyon ng panahon, at iba pang environmental at situational factors, ayon sa ulat ng Philippine News Agency (PNA).
“Plan your drive, and drive your plan,” ang payo ng PNP commander.
Hinikayat din niya ang mga motorista na pupunta sa mga probinsya na mag-ingat lalo na sa mga lugar na napapailalim sa mga wind warnings and rainfall advisories dahil sa Tropical Storm “Paeng.”
Itinakda na sa “high alert” ang PNP noong Lunes para masiguro ang kaligtasan ng mga tao na pupunta sa mga sementeryo at aalis ng Metro Manila para sa nalalapit na long weekend, na kinabibilangan ng pagdiriwang ng All Saints’ Day sa Nob. 1 at All Souls’ Day sa Nob. 2.
Noong Biyernes, nagsagawa ng inspeksyon ang PNP chief sa iba’t ibang sementeryo sa buong Metro Manila, gayundin sa mga mass transportation terminals kung saan may mga sasakyang tumatakbo sa lupa, himpapawid at karagatan.
“So far so good. Ang lahat ng deployment ay nakalagay ayon sa aming plano sa seguridad na iniayon sa mga sitwasyong inaasahan,” aniya.
Samantala, pinayuhan din ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo ang mga residente na nagbabalak umalis sa kanilang mga tahanan para sa long weekend na i-secure ang kanilang mga tahanan laban sa mga magnanakaw at gayundin, laban sa posibleng pagbaha dulot ng pagbabago ng panahon. (Source: Phil. News Agency)