By: Margaret Padilla
–
Nag-alay ng panalangin si Pope Francis sa mga biktima, sa kanilang mga pamilya, at sa iba pang naapektuhan ng bagyong Agaton sa Pilipinas, partikular sa Visayas at Mindanao, na nagresulta sa pagkawala ng buhay at pagkasira ng mga ari-arian.
Ipinahayag ng papa ang kanyang pakikiisa “sa lahat ng nagdurusa” pagkatapos ng bagyong “Agaton” sa isang telegrama na nilagdaan ni Cardinal Pietro Parolin, Vatican Secretary of State, at ipinadala noong Abril 14 kay Arsobispo Charles Brown, Apostolic Nuncio sa Pilipinas.
Pagkatapos ay ipinasa ni Arsobispo Brown ang liham kay Bishop Pablo Virgilio David, presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Ayon sa kalihim, tiniyak ni Pope Francis ang kanyang “mga panalangin para sa mga patay, nasugatan, at lumikas pati na rin sa mga nakikibahagi sa mga recovery efforts..”
“As a sign of his spiritual closeness, His Holiness willingly invokes upon all the Filipino people God’s blessings of strength and peace,” dagdag ng kalihim.
Ayon sa pinakahuling datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umakyat na sa 137 ang bilang ng mga nasawi dahil sa Agaton.
Mahigit 323,000 katao ang nawalan ng tirahan bilang resulta ng bagyo, na sumira sa mahigit na 9,000 tahanan.
Marami rin ang mga taong naiulat na nawawala at itinuring nang pumanaw na.
