By Frances Pio
––
Sinabi ni Senador Grace Poe nitong Martes na muli niyang ihahain ang kanyang panukalang batas na naglalayong pansamantalang suspendihin ang pangongolekta ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Poe, Chairwoman ng Senate Committee on Public Services, na ang pagsususpinde sa excise tax ng langis ay magdadala ng agarang tulong sa publiko dahil ito ay magpapababa ng presyo ng gasolina, at mahalagang bawasan ang mga gastos sa mga bilihin at serbisyo.
Planong ihahain ni Poe muli ang panukala kapag muling nagpulong ang 19th Congress sa Hulyo.
“To our people in daily survival mode, the oil tax reprieve will provide a crucial lifeline,” sinabi Poe.
“The revenues the government will generate from the excise tax to fund cash aid might come too late for families who have nothing to eat now. As the saying points out, ‘Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo’,” dagdag ng Senadora.
Ang panukalang batas ni Poe ay naglalayong amyendahan ang National Internal Revenue Code para itakda ang automatic suspension ng excise tax sa regular gasoline, unleaded premium gasoline, at diesel kapag ang average Dubai crude oil, batay sa Mean of Platts Singapore, sa loob ng tatlong buwan bago ang nakatakdang pagtaas sa buwan na iyon ay umabot o lumampas sa $80 kada bariles.
Ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law o ang excise tax na ipinapataw sa regular at unleaded premium gasoline ay kasalukuyan na nasa P10 kada litro at P6 kada litro para sa diesel. Maliban dito, may value-added tax na 12 percent din ang ipinapataw sa gasolina at diesel.
Ayon kay Poe, ang pagsususpinde sa excise tax ay agad na magpapababa ng halaga ng aabot sa P10 kada litro para sa gasolina at P6 kada litro sa diesel.
“If the government is willing to spend billions in cash assistance to targeted beneficiaries, then it should also be ready to forego a portion of its revenues during the most critical times in order to save millions of lives,” ayon kay Poe.
“We hope that this call on excise tax suspension, which is becoming louder by the day, will merit serious consideration from the incoming administration,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may iba pang paraan upang matugunan ang pagtaas ng halaga ng gasolina maliban sa pagsususpinde lamang ng excise tax sa mga produktong langis.
Aniya, tinitingnan niya ang posibleng pagsuporta sa mga lugar na naapektuhan sa halip na ganap na suspendihin ang mga excise tax, dahil kailangan ng gobyerno ng pondo para sa mga proyekto nito.