By: Aj Lanzaderas Avila

Inendorso ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, at House Deputy Speaker Cebu 3rd District Rep. Pablo John “PJ” Garcia noong araw ng Martes si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na maging lider ng bansa at sinabing, “let his actions and accomplishments do the talking” habang kinukumbinse ang mga botante na iboto ang presidential aspirant bilang susunod na pangulo.

Ipinakita ni Recto at Garcia ang kanilang buong suporta sa kandidatura ni Mayor Isko sa kanyang proclamation rally sa Kartilya ng Katipunan sa tabi ng Manila City Hall.

Sa pagendorso kay Moreno, sinabi ni Recto na kung pansariling interes ang kanyang naging basehan sa pagsuporta sa isang kandidato, hindi kabilang si Moreno sa kanyang mga malalapit na kaibigan.

“Sa lahat ng aplikante sa pagka-pangulo, sa totoo lang, si Isko ang huli kong nakilala at pinakamalayo kong kaibigan. Kung pangsariling interes lang ang aking iisipin, siya ang huli kong susuportahan,” sinabi ni Recto sa isang video message.

“Subalit naniniwala ako, na sa pagpili po ng ating lider, may mas mahalagang batayan — bayan bago barkada at katropa, plataporma hindi drama, record na nagawa at hindi listahan ng pangako. Hindi doon sa liyamado pero doon sa sigurado at tunay ang serbisyo,” dagdag pa niya.

Sinabi na noon ni Recto, na susuportahan ng One Batangas si Moreno dahil sa kanyang mga kakayanan, “the training, skills, experience and leadership to be an outstanding president.”

“Ang pandemya ang tumimbang ng kanilang kakayahan. Siya din ang bumuking kung sino ang may kulang,” saad ni Recto.

Ipinunto ni Recto na tanging si Moreno lamang ang nakapagpatayo ng pinakamalaking Covid-19 field hospital sa bansa, na mayroong 344-bed capacity sa loob lamang ng 52 days; ang tanging alkalde na agad kumuha ng mga gamot kontra Covid-19 tulad ng Remdecivir at Molnupiravir; at ang natatanging local chief na nakapagpatayo ng isang modernong medical center, ang Bagong Ospital ng Maynila.

Binanggit din ni Recto ang mga free testing sites ng pamahalaang lungsod ng Maynila, ang pagiging handa ng mga lokal na ospital sa kanilang lungsod para sa mga pasyente ng Covid, tuloy-tuloy na pagibibgay ng ayuda, at pabahay sa mga mahihirap.

“Madali pong maglubid ng kwento at magtagpi-tagpi ng pangako. Pero iba si Isko. Siya ay tumatakbo sa lakas ng mga proyektong nagawa niya, mga pasilidad na hindi drawing pa lang, kundi gumagana na, mga bagay na nakatayo na, at nag bibigay ginhawa, hindi binabalak pa lang. Ang iba namimigay pa lang ng promisory note. Kay Isko may resibo na,” ani Recto.

“Sa sandaling panahon, naipakita niya ang lideratong hindi makupad at hindi tamad. Matagal na tayong nagaantay ng isang lider na may tunay na solusyon at mabilis umaksyon,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Recto na dapat piliin ng mga tao si Moreno dahil naniniwala siyang kayang gawin ni Mayor Isko sa buong Pilipinas, ang kanyang ginawa sa lungsod ng Maynila.

“Nagawa niya sa buhay niya, nagawa niya sa Lungsod ng Maynila, at magagawa niya sa buong Pilipinas. Nananawagan ako sa inyo, ikampanya niyo sa inyong mga kaibigan, kamag-anak at kapitbahay na iboto sa darating na Mayo, Isko Moreno Domagoso sa pagka-pangulo ng Bagong Pilipinas,” salaysay ni Recto.

Sinangayunan naman ni Congressman PJ Garcia ang mga pahayag ni Recto, at sinabing ang tagumpay ni Moreno mula sa pagiging isang mahirap, hanggang maging isa sa mga pinakamagaling na alkalde sa Pilipinas ay patunay na may pambihirang kakayanan ang presidential aspirant sa lahat ng aspeto.

“Halos imposible ang linampasan niyang hirap na dinaanan. Kaya siguro nang maging mayor siya, una niyang binigyan ng solusyon ang hirap na dinaanan niya dito sa Maynila,” sinabi ni Garcia.

Ipinunto ni Garcia ang mga naipagawang proyekto ni Moreno para sa mga mahihirap, kabilang na ang Tondominium, 10-story airconditioned public school buildings para sa mga mahihirap na estudyante, “world-class” na ospital, at trabaho.

Ayon kay Garcia, ang lahat ng ginagawa na ito ni “Yorme” ay isang inspirasyon sa mga tao, at nagbibigay pagasa sa mga nagsisimula pa lamang.

Gaya ni Recto, Naniniwala rin si Garcia na kayang gawin ni Moreno sa buong bansa, ang ginawa niya sa Maynila, “Kasi ginawa na niya dito sa Maynila, may pruweba na.”

Binigyang-diin din ni Garcia na ang pagmamahal ni Moreno sa mga mahihirap at hindi lamang Maynila ang iniisip ni Moreno, patunay dito ang pagtulong ng alkalde sa Cebu sa kasagsagan ng mga kalamidad na tumama sa probinsya.

Ikinuwento niya na nang may sumiklab na sunog sa Barangay Mambaling sa Cebu City noong Nobyembre at lumikas ang halos 1,000 pamilya, si Moreno ay agad na nagtungo sa Cebu City kinabukasan at nang walang pagdadalawang isip, naglabas ng P10,000 para sa bawat pamilya mula sa kanyang sariling bulsa. Ganon din ang ginawa ni Moreno nang manalasa ang Bagyong Odette sa probinsya.

“Kaming mga Bisaya, may kasabihan, ‘dili sulti ang pabuhaton, buhat mo ipasultion.’ Hindi salita ang gumagawa, ang gawa ang magsasalita,” ani Garcia.

“Gawa ang nagsasalita para kay Isko Moreno. Kaya malaking karangalan para sa akin na ipinaglalaban ang mayor niyo sa Manila doon sa Cebu,” dagdag pa niya.

Leave a Reply