By Christian Dee
MAYNILA – Nitong Lunes sa isang pagdinig sa Senado, sa pamumuno ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, tiniyak ni Secretary of Interior and Local Government Benhur Abalos ang isang daang porsyentong kaligtasan ng suspendidong mambabatas na si Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Ito ay sakaling umuwi si Teves ng bansa upang humarap at dumalo sa pagdinig ukol sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa iba pang mga biktima.
“Can you give us an assurance na hindi mamatay si Teves ‘pag pumunta siya dito? Papunta at palabas?” tanong ni Dela Rosa kay Abalos.
“Yes, sir,” tugon ni Abalos.
“Walang babaril sa kanya?” tanong pa ng Senador.
“Ako mismo magbabantay, sir. I assure you one hundred percent,” ani Abalos.
Tinanong din ni Dela Rosa ang Kalihim na kung mamatay man si Teves ay siya ang mananagot. “Yes, sir,” dali-dali ring sagot ni Abalos dito.
Giit ng Senador, hindi mamamatay si Teves kapag umuwi ito sa Pilipinas o kung nasa bansa man siya, maari siyang magpunta sa police station upang mapa-escortan ni Abalos ng pulis para pumunta sa Senado.
“Kahit isang gasgas ng katawan, wala kang aabuting gasgas,” ani Dela Rosa.
