By Frances Pio
––
Isang 30-anyos na tricycle driver ang pinagbabaril sa kahabaan ng national road sa Barangay San Pascual, Bayan ng Talavera noong Miyerkules, Hulyo 20.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na minamaneho ng biktimang si Richard Reyes, residente ng Barangay San Miguel na Munti, Bayan ng Talavera, ang isang improvised tricycle, na tinatawag na kolong-kolong, nang salakayin ng hindi pa nakikilalang salarin.
Ayon sa mga imbestigador, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa bago ang pamamaril. Nagmaneho rin ng kolong-kolong ang suspek.
Dead on the spot ang biktima matapos magtamo ng maraming tama ng bala, ayon sa pulisya.
Nakatakas ang gunman at tinutunton na ng mga awtoridad.