By Christian Dee
MAYNILA – Nasawi ang buhay ng isang estudyante dahilan ang truck na umanong walang handbreak na umararo sa loob ng Cavite State University sa bayan ng Indang, kung saan nasugatan din ang apat pang mag-aaral nitong Lunes ng umaga, Enero 23.
Anang hepe ng pulisya ng Indang na si Maj. Edward Cantano, sinabi ng drayber na ikinambiyo niya nang reverse dahil wala itong handbreak.
“Sabi ng drayber dahil walang handbreak ito, ikinambyo nya ng reverse pero noong pagbaba nila ng tubig nakita na lang niya tumakbo… nabangga ‘yong 5 estudyante,” ani Cantano.
Bago mag-alas-10 ng umaga, pumarada sa paaralan ang nasabing truck para ibaba ang kargang tubig na ide-deliver sa kainan sa campus ngunit biglang umandar ito, base sa imbestigasyon.
May 50 metro ang itinakbo ng truck dahil pababa ang kalsada.
Nasalpok nito ang limang first-year students na mga biktima dahil hindi namalayan ng mga ito na may bumubulok sa truck patungo sa kanila.
Nadala naman sa ospital ang mga biktima ngunit binawian ng buhay ang isa, habang ang apat ay patuloy na nagpapagaling.
Tumutulong naman ang pamunuan ng unibersidad sa pamilya ng mga biktima ngunit hindi pa rin ito nagbibigay ng pahayag.
Kasalukuyan namang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang drayber ng truck at inihahanda na rin ang kasong isasampa laban sa kanya.