By Jude Sagun
MANILA, Philippines — New look ang karakter ni Janella Salvador sa superhero ABS-CBN series na “Mars Ravelo’s Darna” sa huling linggo nito sa ere.
Sa kabila ng nalalapit na pagtatapos ng serye, kaabang-abang sa mga fans ang mga pasabog pa nito kabilang na ang pagbabagong anyo ng pangunahing kontrabida na si Valentina.
Noong nakaraang linggo, ikinagulat ng marami ang pagpapanaw ni Valentina o Regina Vanguardia matapos na malaman na ang kaibigan niyang si Narda at mortal niyang kaaway na si Darna ay iisa.
Ngayong linggo, sa muling pagkabuhay ng karakter ni Janella, sorpresa naman ang bagong costume nito na animo’y swimsuit na berdeng balat ng ahas. Nag-iba rin ang kulay ng mga computer-generated imagery (CGI) na ahas na nakapatong sa ulo nito.
Tumagal ng limang buwan ang seryeng “Darna” at nakatakdang magtapos sa Pebrero 10.
Magbabalik naman sa Pebrero 13 si Coco Martin sa action series na “FPJ’s Batang Quiapo,” kasama ang bagong leading lady na si Lovi Poe, anak ng orihinal na bida sa serye na si Fernando Poe Jr.
