SARIAYA, Quezon – Walo ang nasawi sa isang banggaan sa Maharlika Highway, Sto. Cristo, Sariaya, Quezon nitong Linggo ng umaga, Agosto 18, 2024.
Ayon sa ulat ng Sariaya Municipal Police Station, ang aksidente ay nangyari bandang 5:50 ng umaga, kung saan ang isang private passenger van na patungong Maynila ay sumalpok sa kasalubong na delivery van na papuntang Bicol.
Sa lakas ng banggaan, halos madurog ang passenger van, at naging mahirap ang pagsagip sa mga pasahero nito. Agad na isinugod sa pagamutan sa Candelaria, Quezon ang mga nasugatan.
Nagresulta ang aksidente sa matinding pagsisikip ng trapiko sa lugar.
Samantala, ligtas naman ang driver at pahinante ng delivery van.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Sariaya Municipal Police Station upang matukoy ang dahilan ng aksidente at upang malaman kung ang nasabing passenger van ay colorum o may tamang papeles. Sa paunang imbestigasyon, napag-alamang posibleng nakatulog ang driver ng passenger van kaya ito sumalpok sa kasalubong na delivery van.
