By Christian Dee
MAYNILA – Inaresto nitong Lunes, Oktubre 31, ang apat na lalaki sa Parañaque City matapos mag-inuman sa loob ng Manila Memorial Park Cemetery.
Ayon sa Southern Police District director na si Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft, 3:50 a.m. na nang maaresto ang mga ito sa loob ng sementeryo sa BF Homes sa nasabing lungsod.
Kinilala naman ang mga suspek na sina Leonie Carpio, Gregorio Donor III, John Kenedy Ibañez, na mga caretaker sa semeteryo at si Danilo Conot, isang 56 taong-gulang na lalaki, isang maintenance personnel.
Ani Kraft, agad rumesponde ang pulisya nang mayroong tumawag sa Parañaque City Police at ipinagbigay-alam na mayroong grupo na nag-iinuman sa loob ng nasabing sementeryo, at mayroon pang nagpaputok ng baril.
Nahuli ng kapulisan ang nasabing grupo at inaresto.
Sinabi rin ni Kraft na ang mga suspek ay haharap sa paglabag ng Republic Act No. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at Article 151 of the Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person of Authority and their Agents). Bukod dito, sila rin ay sisingilin sa ginawa nitong pag-iinom ng alak sa loob ng sementeryo, alarm at scandal.
